Pagtatae
Bunga na rin ng walang magawa at walang maikilos ng tama, at marahil, dahil walang laman ang tiyan, ang blog na ito ay aking niyari para sa isipan. Hindi ko pangangaraping lumaganap ito't maging isang tanyag na pahayagan-kunong naglalaman ng ilang pagtatae ng isipan ng isang lupon ng mga dalubhasa sa larangan ng sikolohiya at kalinangan, ngunit hayaan ninyo akong pagbigyan (at pigain) ang isipan nina Mike Gumapos, Jon Diestro, at Myrna Fernando (at gayon na rin ng sa akin) upang mapagpatuloy ang libog na sinimulang pasibulin ni Zeus Salazar at Made Sta. Maria sa kanilang pagpupunyaging ihiwalay kami sa mundo at gawin kaming mga alagad ng kanilang mahiwagang laboratoryo.
Hindi sa wala kaming magagawa tungkol dito, pero masyado nilang pinaganda ang wari ng paroroonan. Nararapat lamang sila ang ituring na salarin.
Sa pagsulat ko nito'y umaasa pa rin akong pauunlakan nina Mike, Jon, at Myrna ang aking paanyayang magsulat sa blog na ito. At sa akin man, umaasa akong tatakbo ang aking isipan upang ito'y magtae rin.
Sa iyo, aking (aming?) mambabasa, umasa na ang mga mababasa mo rito'y pawang nagbukal at nalinang sa utak. Umasa na ang mga paksain ay kundi man interesante ay buhat pa rin ng pagnanais na ipagpatuloy ang pag-iisip, ang pag-aaral, ang pag-uusisa. Umasa na ang mga mababasa, maikli man o mahaba, tila may katuturan o tila walang kabuluhan, ay bunga ng pagpupunyaging makamit ang lubos na pagkakaunawa ng ikaw, ng ako, ng tayo.